ANG EUKARISTIYA AT PAGKAPARI
Lubhang Kagalang-galang Mylo Hubert C. Vergara, DD, MA, SThD
Misa ng Krisma, Immaculate Conception Cathedral, Pasig City, Ika-24 ng Marso 2016

FB_IMG_1458801597056

FB_IMG_1458792843162Noon pong isang taon, nasabi ko na natatangi ang pagdiriwang natin ng Misa ng Krisma dahil ito’y napaloob sa taon ng ika-dalawampu’t limang taong anibersaryo ng aking pagkapari. Ngayong taong ito, natatangi na naman para sa akin, pati rin kina Fr. Mar Baranda at Fr. Joven Antique, dahil ang pagdiriwang natin ng Misa ng Krisma ngayong ika-24 ng Marso ay sa mismong araw namin ng anibersaryo bilang pari. Isang malaking biyaya mula sa Diyos na samahan ninyo kami, pati na rin ng lahat ng pari sa aming pasasalamat sa Diyos sa handog ng pagkapari.

Ngayong Hubileo ng Awa, nais kong bigyang pagninilay ang pinakasentrong sakramento sa ministro ng pari na natatanging pribilehiyong mula sa Diyos upang ipadama ang awa ng Diyos. Ito ay ang Banal na Eukaristiya. Naaakma din itong pagnilayan dahil ngayong 2016 ay Taon ng Eukaristiya at Pamilya na idineklara ng mga Obispo ng Pilipinas bilang paghahanda sa darating na 2021 na pagdiriwang natin ng ika-500 anibersaryo ng Kristiyanismo sa ating bansa.

Para sa aming mga pari, sa bawat pagdiriwang ng Misa, pinadadama ng Diyos ang kanyang awa sa pamamagitan ni Kristo na siya mismong sakripisyong handog at nag-aalay ng kanyang sarili para sa ating kaligtasan dala ng ating mga kasalanan. Sa simula pa lang ng Misa, inaanyayahan na tayo ng Diyos na humingi ng tawad sa kanya, at pinamumunuan ng mga pari ang komunidad na sambitin “Panginoon, kaawaan mo kami!” Sa pakikinig natin sa Salita ng Diyos, pinauunawa Niya sa atin ang kanyang awa sa pamamagitan ng mga kuwento sa biblia, na nagsisilbing inspirasyon naming mga pari upang ipangaral sa mga mananampalataya ang walang kondisyong pag-ibig ng Diyos na ipinamalas niya kina Abraham, Moises, David, mga propeta, kina San Pedro at San Pablo, at iba pang mga apostol at lahat ng naging disipulo ni Hesus. Kahit sa panalangin ng bayan, di maipagkakaila kung paano pinasasambit sa atin ng Diyos, dala rin ng Kanyang habag sa atin, ang mga pangangailangan nating dapat tugunan. Sa pag-aalay natin ng tinapay at alak na nagiging Katawan at Dugo ni Hesus, puspos nating nadarama ang walang patid niyang paghahandog ng sarili sa ngayon. At may hamon pang sinasambit nating mga pari: “Gawin ninyo ito bilang pag-alaala sa akin.” Sa pagbibigay natin ng Banal na Komunyon, ginagawa tayong instrumeto ng Diyos upang magdulot ng paghihilom sa lahat ng tatanggap kay Hesus. Di ba sinasabi nga natin bago magkomunyon: “Panginoon, hindi ako karapat-dapat magpatuloy sa inyo, ngunit isang salita mo lamang ay gagaling na ang aking kaluluwa”?

Minsan nga, pagkatapos kong magdiwang ng misa, may napansin akong isang babaing umiiyak habang siya’y nakaupo sa harap ng altar. Nilapitan ko siya upang kamustahin at malaman kung bakit siya umiiyak. Naibulalas niya ang kanyang malaking problema. Pero sa kabila ng lahat, nagpasalamat pa siya sa akin dahil gumaan daw ang kanyang pakiramdam habang nakikilahok siya sa pagdiriwang ng misa. At sa pagtanggap niya ng Banal na Komunyon, pakiramdam niya’y di siya pababayaan ng Diyos.

Malaking biyaya mula sa Diyos sa buhay naming mga pari ang maging punong tagapagdiwang ng Banal na Misa, at maging instrumento ni Hesus upang ibahagi siya sa mga lumalahok sa Misa at ipadama ang kanyang awa at pag-ibig. Subalit, bagama’t espesyal na biyaya ang Eukaristiya para aming mga pari, di rin maipagkakaila, na dala ng aming karupukan at pagkamakasalanan, may mga pagkukulang kaming dapat ihingi ng tawad sa Diyos at sa inyo po, mga madre at laikong aming pinaglilingkuran, sa mga pagkakataong hindi naging maayos o makabuluhan ang pag-aalay namin ng Banal na Misa. Ano po ang mga ito? Ito po yung mga pagkakataong nahuli kami sa tamang oras ng pagdiriwang ng Misa; mga pagkakataong hindi kami nakapaghanda para sa aming homiliya o nagpahayag ng masustansyang pagninilay ng Salita ng Diyos; mga pagkakataong parang minadali namin ang pagdiriwang ng Misa; mga pagkakataong di naging solemne at parang wala sa loob ang pag-aalay ng Misa; mga panahong di niyo kami nakitang nakapaglaan ng oras para magdasal sa harap ng Santisimo Sakramento; at higit sa lahat, mga pagkakataong di nasalamin sa aming buhay ang Eukaristiyang aming pinagdiriwang araw-araw. Sa lahat pong ito at mga di ko pa po nabanggit na negatibong karanasan sa aming pagmimisa, kami po ay buong pakumbabang humihingi ng tawad. Mamayang hapon, sa Misa ng Huling Hapunan, makaaasa po kayong ang pagluhod namin at paghuhugas ng paa, na natatanging simbolo ng Eukaristiya, ang patunay at patotoo na nais naming magbago at magpanibago sa aming paglilingkod sa inyo.

Naisulat po ni Pope Francis: “Jesus Christ is the face of the Father’s mercy…. Jesus of Nazareth, who by his words, his actions, and his entire person, reveals the mercy of God.” (MV # 1) Isang malaking hamon, sa akin bilang inyong obispo at sa lahat ng mga pari, na makita ninyo sa amin ang mukha ng Panginoong Hesukristo, ang mukha ng Diyos Ama na puno ng habag, sa aming pagdiriwang ng Eukaristiya at naayong pagsasabuhay nito sa aming paglilingkod sa Simbahan. Ito’y magkakaroon ng kaganapan sa pamamagitan ninyo at inyong mga panalangin. Tandaan natin na ang aming pagkapari ay makabuluhan kung kami ay makikiisa sa inyong lahat na sa sakramento ng Binyag ay nakikibahagi din sa pagkapari ni Kristo. Kaya nga tayong lahat ay pari. Isang pangunahing gawain ng ating pagkapari ay manalangin. Umasa po kayo na sa inyong pagdalangin para sa aming mga pari, kayo rin ay aming ipapanalangin. At lahat ng ito ay sa tulong at awa ng Diyos. Amen.

6224 Total Views 1 Views Today