bishop-on-nov-1

Photo by Conrad Alvez

HOMILY of Bishop Mylo Hubert Vergara
Holy Mass for All Saints Day
6 o’clock in the morning, Libingan ng mga Pari
Pasig Catholic Cemetery, Pasig City
November 1, 2016

Magandang umaga po sa inyong lahat! Tayo po ay kahit papano’y mayroong natatanging paboritong Santo at Santa sa Kapistahan ng mga banal at mapapansin po natin na ngayong araw na ito ay pinararangalan natin ang mga Santo’t Santa. Kaya kahit may paborito po tayong mga banal na si San Juan Maria Vianney, Sta. Teresita ng Niño Hesus o San Lorenzo Ruiz, ang sariling atin San Pedro Calungsod o San Francisco de Asisi, kahit papaano lahat po iyan ay ating pinararangalan ngayon bilang isang natatanging araw.
Siguro tatlo lang po ang mensahe ng lahat ng mga Banal para sa atin. Una, sila’y makasalanan. Mahalaga pong maunawaan ito dahil kung iisipin natin ang pinagmulan nating lahat ay karupukan at dala ng ating pagka-makasalanan alam naman natin na tayo’y iniligtas lamang ng Diyos. Kung iisipin po natin ay walang maipapagyabang ang mga banal sa langit. Katulad din natin sila may mga kahinaan. Nagkasala sa Diyos. Pero alam naman natin na sa gitna ng lahat at alam din natin sa ating buhay ang kaligtasang dulot ng Diyos ay ipinagkaloob niya sa kanila at sa atin. Yung ikalawa po ay lahat po ng Santo at Santa ay mapalad. Mapapansin natin ito ang nagdulot sa kanila ng kaligtasan. Yung pakikilahok sa Misteryo Paskuwal ng Panginoon. Sa unang pagbasa narinig po natin na ang mga banal ay sinalubong sa langit at alam natin ang pagsasalarawan sa kanila ay sila’y hinugasan ng dugo ni Hesus. Ito din po iyong sinasabi sa Ebanghelyo, ang pagiging mapalad ay yung dumadaan sa sakripisyo.

Sa mundong ibabaw ang kapalaran ay kung ikaw ay suwerte wala kang problema pero sa mga Santo’t Santa alam natin ang kabanalan ang sukatan ay iyong inuusig sa ngalan ni Hesus. At iyan ang pinatunayan ng mga Santo’t Santa lalo na ang mga Martir na banal. Kaya nga kung tayo’y dumadaan din sa iba’t ibang pag-uusig iyan ang magdudulot din sa atin ng kaligtasan kahit tayo’y mga makasalanan. Kung baga iyong ating pakikilahok sa Krus ni Kristo ang daan patungo sa lugar ng kabanalan. Pero meron pang ikatlo kaya nga salitang banal ang ginamit hindi lang sila makasalanan hindi lang sila mapalad. Ang ikatlo ay ang hamong magpaka-banal. Sila’y nagpaka-banal dahil alam nila na ang patutunguhan natin ay ang lugar ng kabanalan. Kaya sa totoo lang kung titingnan natin alam nila na ang pinaka-banal na Diyos ay humahamon sa bawat isa nasa lupang ibabaw ay mamuhay ng malinis, mamuhay ng maayos, mamuhay ng namamatay sa sarli at tunay na nagkakawang-gawa. Ngayon nga po ay sabi nga napapaloob pa rin ang Kapistahan ng mga Banal sa langit sa taon ng Awa, Jubilee Year of Mercy. Alam nating sa pamamagitan lang ng awa ng Diyos tayo’y patuloy na maliligtas—-at yung awa ng Diyos ay naghahamon na ihatid ang awang ito at ito ang daan ng kabanalan. Yung limutin ang sarili at isipin ang kapwa. Tumulong sa kanila sa gitna ng kanilang pangangailangan. Kaya tatlong punto lamang po ano, yung makalanan, yung mapalad at yung magpaka-banal. Ngayon din po simula pa po kagabi, ilang mga araw hanggang bukas, sa susunod na araw, buong buwan ng Nobyembre, tayo po ay pupunta sa sementeryo, ipagdadasal natin ang ating mga yumaong mga mahal sa buhay, mga kakilala, mga kaibigan at pati na rin yung hindi kakilala. Alam natin na isa lang naman ang hinahangad natin sa ating panalangin. Una ang sila’y makarating sa purong kabanalan, ang tahanan ng Diyos. Pero sila din ay nananalangin sa atin, ang panalangin nila’y katulad nila kung sila’y nandoon na tayo din po’y makarating doon. Kaya dalawa po ang nananalangin, tayo at sila. Harinawa po ngayong araw ng ito na sa pagtitirik po natin ng kandila, ating mapaglimi-limian at mapag-dasalan na ang buhay po natin ay pagtahak sa kabanalan lagi sa Diyos.

– Fr. Lito Jopson

3495 Total Views 29 Views Today