Photo by Diocese Media (Bobong Dela Cruz)

MGA PAANG PINATAWAD AT PINABANAL NI HESUS
Homiliya, Pagmimisang may Pagbabasbas ng mga Langis, Marso 29, 2018
Lubhang Kagalang- galang Mylo Hubert C. Vergara, D.D., Obispo ng Pasig

Mga Minamahal kong kapatid sa pagka-Pari, mga Madre at namanata sa Diyos, mga ginigiliw na Laiko,

Natatangi ang pagdiriwang natin ngayon dahil ito’y nakapaloob sa Year of the Clergy and Consecrated Persons. Ito ang taong nakalaan para masusi nating pagnilayan ang antas at kahalagahan ng ating paglilingkod sa sambayanan ng Diyos. Nakakatawag pansin ang logo na ginamit sa taong ito: ang paghuhugas ng paa. Ito ang ginawa ni Hesus noong huling hapunan na may malalim na pagpapakahulugan—ang Eukaristiya. Gagawin natin ito mamaya sa pagdiriwang ng Pagmimisa sa Pagtatakipsilim sa Paghahapunan ng Panginoon sa ating mga parokya at maririnig natin ito sa ebanghelyo hango kay San Juan. Isa itong pagkakataon upang ipaalala sa atin, at pati na rin sa lahat ng mananampalataya, ang hamon ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Gawin ninyo ito gaya ng ginawa ko sa inyo.” (Juan 13: 15)

Gusto kong kunin ang pagkakataon na ito na pasalamatan ang aking mga kapatid na pari. Pitong taon na ako sa Pasig. Sa banal na kasulatan, ang numerong pito ay katapusan, “Divine Perfection.” Hindi ako nagpapaalam. Ako ay nagpapasalamat na sa pitong taon ay napagtitiisan ninyo pa ako bilang Ama at sa iba ay kapatid. Hindi ninyo naitatanong, kapag ako ay nagsasalita sa ibang diyosesis at ibang bansa, ipinagmamalaki ko kayo, dahil mahal ko kayo. Hindi ko kayang maglingkod mag-isa. Kaya nga noong tayo ay inordenahan, tayo ay para magka-Isa at maglingkod na magkasama at nagkakaisa. Nagpapapasalamat ako sa inyo, ang mga mahal kong pari, na di ninyo ako pinabayaan at tinulungan ninyo ako sa aking pamamastol sa kawan ng Diyosesis ng Pasig. (Palakpakan po natin bilang pasasalamat ang ating mga pari.) At sa pagkakataong ito, kilalanin natin, samahan at pasalamatan ang mga nagdiriwang ng kanilang ika-25 taon sa pagkapari at paglilingkod sina: Fr. Bernie Carpio, Fr. Lito Jopson, Fr. Manny Hipolito at Fr. Renier Llorca. (Palakpakan po natin sila). Nais ko din pong pasalamatan ang mga senior priests (60 years old and above) ng diyosesis natin na kahit matanda na ay masipag pa ring naglilingkod. Sabi nila, kapag tumatanda ang tao, mas dapat ang affirmation: Msgr. Rudy Gallardo, Fr. Sim Roxas, Fr. Diony De Pedro, Fr. Mar Baranda, Fr. Vic Virtudazo,Fr. Paul Balagtas, Fr. Pol Matilos at Fr. Roy Rosales. At pasalamatan na rin natin ang mga yumaong naglingkod sa atin lalo na si Bp. Francisco San Diego at mga pumanaw na paring kilala natin. (Ilan sandaling katahimikan)

Sa mga kapatid kong pari at mga madre at namanata sa Diyos, hayaan niyong maglaan ako ng ilang pagninilay tungkol sa ating mga paa, itong mga paang hinugasan at pinabanal ni Hesus noong tayo’y pinili at hinirang na maglingkod sa kanya. Kumusta ang ating mga paa? Paano ba natin ito ginagamit sa ating katawan at pamumuhay?

Ito ba’y mga paang naalikabukan, nadumihan at naputikan dahil sa bukás-palad na paglilingkod sa pamayanan? Mga paang walang tigil ang paglalakad para magmisa sa mga depressed o squatter’s area, gaano man kakitid ang eskinitang daraanan, handing mabasá kung malakas ang ulan, handing pagpawisan at tiisin ang kulob ng init na lugar na kinalalagyan. Mga paang walang kapagurang akyat-baba sa mga hagdan ng paaralan para magturo ng katesismo sa kabataan. Mga paang walang takot na naglalakad sa kalye sa kadiliman ng gabi para tulungan at iligtas ang ilan na nanganganib ang buhay at kaluluwa dala ng masamang bisyo tulad ng droga, alak, sugal o malaswang pamumuhay. Mga paang napagod, nangulubot at tumanda na sa paglilingkod ngunit handa pa ring pumunta sa kumpesyonaryo at magpakumpisal, pumunta sa maliit na kapilya ng parokya para magmisa at kahit pagod na, ay tapat pa ring nananahan at nagdadasal sa harap ng Santisimo Sakramento para itaas sa Diyos ang pangangailangan ng lahat ng humihingi ng dasal sa kanya.

Ngunit, ito ba’y paang katulad ng mga paa ng mga alagad na noong dakpin si Hesus sa Hardin ng Olibo’y mabilis na tumakbo at tumakas dahil sa takot na mapasama sa kanya para usigin, hagupitin, buhatin ang krus, ipako doon at patayin? May mga pagkakataon na ang ating mga paa’y naglalakad hindi para maglingkod bagkus mas madalas mamasyal. Pinatamaan nga kaming mga obispo ni Pope Francis at tinawag na “airport bishops” dahil may ilan sa aming obispo na gala ng gala imbis na nagtratrabaho para sa misyon. May mga pagkakataong ang ating mga paa’y tumatakas sa hirap ng paglilingkod kaya’t kontento na lang maiwan sa kinalalagyan sa parish rectory at kumbento imbis na bumisita sa maysakit o bumabad sa mga munting pamayanan upang makinig at makisalamuha sa mga parokyano, lalo na ang mga hindi nagsisimba at napalayo sa Simbahan. May mga pagkakataong ang ating mga paa’y tumatakbo hindi para tumulong sa nangangailangan bagkus umiiwas palayo sa kakulitan ng mga dukha nag- aabang at naghihintay ng ating pagkalinga (ilan sa kanila ay nanamantala sa kalambuntan ng puso nating mga pari at madre).

Nakakalungkot ding isipin na ginagamit din natin ang paa para sumipa, manadyak at makasakit ng kapwa. Ito ang paa ni Hudas Iskariote na nagtaksil kay Hesus. Ito ang mga paa ng ilang kawal at alipores nila na sumipa kay Hesus noong siya ay koronohan ng tinik, nilibak at pinagtabuyan patungong kalbaryo. Maaring hindi paa ang ating ginamit para manakit subalit may mga pagkakataon na nasaktan natin ang ating mga pinaglilingkuran sa pamamagitan ng hindi makatuwirang paghuhusga, hindi mahinahong pagsasalita, hindi akmang pamumuhay na nanumpang maging dukha, masunurin at tapat sa Diyos, o maaaring mga paa na dinadala tayo sa pagkakasala katulad ni Hudas na hindi tinapos ang huling hapunan at ipinagkanulo si Hesus. Dahil dito, tayo rin ay naging malaking pako na bumaon at sumugat sa mga banal na paa ni Hesus sa krus.

Noong Huling Hapunan, hindi maubos maisip ng mga alagad ni Hesus na gagamitin niya ang kanyang mga paa upang tumayo sa hapag-kainan, pagkatapos ay lumuhod at hinugasan ang kanilang mga paa. Ito’y ginagawa lamang ng isang alipin. Subalit buong pakumbabang lumuhod at yumuko si Hesus para hugasan ang kanilang mga paa. Noong ginawa ito ni Hesus, ang mga alagad ay nagulat. Si Pedro ay umayaw na magpahugas. Ngunit, sabi ni Hesus kay Pedro: “Kung hindi kita huhugasan wala akong koneksiyon sa iyo.” Tugon ni Pedro: “Hindi lamang ang aking paa kung hindi pati na ang aking mga kamay ay hugasan ninyo.” (cf. Juan. 13: 😎 At dahil dito nasaksihan nila ang buong pagkatao, pagka-Diyos at paglilingkod ni Hesus. Sa ginawang paghuhugas ni Hesus sa kanilang mga paa, narinig nila ang buháy na Eukaristiyang nagsabi: “Gawin ninyo ito bilang pag-alaala sa akin.”(Lucas 22:19) Ito ang paanyaya sa ating mga pari at mga namanata sa Diyos. Magpakumbaba tayo at humingi ng tawad sa Diyos at sa kanyang sambayanan. Sabi nga ni Fulton Sheen:“If we want to see Jesus, we need to learn the art of stooping down.”

Sa mga ginigiliw kong mga laiko na naririto, ang hiling ko po sa inyo ay gamitin ninyo ang inyong mga paa na kaming mga pari at mga namanata sa Diyos ay maging banal at kayo ay mapaglingkuran. Kami pong mga pari ay hindi mga binata; kami po ay kasal sa Santa Iglesia. Ang mga madre po ay hindi mga dalaga; sila po ay kasal kay Kristo. Tulungan po ninyo kami na baka ang aming mga paa ay may kalyo na, wala ng nararamdaman na magpatuloy sa aming misyon. Tulungan po ninyo kami at akayin na maging tapat sa aming sinumpaan sa harap ng Diyos at ng sambayanan. Ngunit higit sa lahat, gamitin ninyo ang inyong mga paa na marunong sumunod sa inyong mga pastol. Ang inyong mga kura paroko ay itinalaga bilang lider ng pananampalataya, hayaan ninyo silang pangunahan kayo sa landas ng kabanalan. At kapag may ilang pagkakataon na hindi tayo magkasundo sa mga ilang isyu sa diyosesis o parokya, huwag po natin daanin sa tsismis na nagiging sanhi ng hidwaan o tampuhan. Ayaw ni Pope Francis, na nasisira ang ating pakikipag-ugnayan ng dahil lamang sa tsismis o gossip. May kuwento nga siyang nakakatawa. Minsan daw may isang manang ng parokya na malapit ang bahay sa simbahan. Itong manang na ito eh puro tsismis tungkol sa parish priest na naging sanhi ng sama ng loob nila sa isa’t isa. Nung tumanda na, magkasakit at malapit ng mamatay yung manang eh nakiusap sa parish priest na dalhan siya ng Banal na Komunyon. Dinalaw naman siya ng pari at pinahiran ng langis para sa maysakit. Pero biniro niya yun matanda at sabi niya na wala siyang dalang hostia para bigyan siya ng Banal na Komunyon. Sabi nung pari: “Malapit naman ang bahay mo sa simbahan. Tutal mahaba naman ang dila mo eh baka umabot sa tabernakulo ng simbahan. Subukan mo kaya…”

Noong pakumbabang lumuhod si Hesus at hugasan niya ang paa ng kanyang mga alagad, pinabanal niya ito. Sa misang ito, nais niyang mapabanal at manatiling banal ang paa ng kanyang mga pinili at hinirang na lingkod. Kaya inaanyayahan ko ang lahat ng mga pari, madre at mga namanata sa Diyos na buong pakumbabang lumuhod sa ilang sandal ng katahimikan bilang tanda ng paghingi natin ng tawad sa Diyos at Sambayanan sa ating mga kasalanan at pagkukulang.

ANG AMING HILING AT PANAGHOY “PATAWARIN NINYO PO KAMI…”

9755 Total Views 1 Views Today