PRESENSYA NI HESUS AT NG PARI: SUSI SA PAGBUBUKLOD NG PAMAYANAN
Lubhang Kagalang-galang Mylo Hubert C. Vergara, DD, Misa ng Krisma, ika-13 ng Abril 2017

Alam po nating tayo ay nasa kalagitnaan na ng ating paghahanda sa pagdiriwang natin ng ika-500 anibersaryo ng Kristiyanismo sa Pilipinas na magaganap sa 2021. Ngayong 2017, napapaloob ang pagdiriwang natin ng Misa ng Krisma sa Taon ng Parokya. Hindi naman lingid sa kaalaman natin na ang tema ng taong ito na inilatag ng ating mga Obispo ay The Parish : A Communion of Communities o sa tagalog, Ang Parokya bilang Pamayanan ng mga Pamayanan. Maganda sigurong pagnilayan sa diwa ng temang ito ang hamon sa aming mga pari na naglilingkod sa parokya para maging epektibong instrumento ng pagbubuklod o pakikipagka-isa sa pamayanan.

Gamitin nating pasimula ng ating pagninilay ang mga pangugusap mula sa dokumentong bunga ng Second Plenary Council of the Philippines na isinasaad: “Priests and their ministry cannot … be separated from the community setting. The ordained priest does not stand outside the Christian community. He remains in the community. He is ordained for the community… Hence, we can appropriately call ordained ministers as servant-leaders of the community. They are in charge of the community. They are to build up the Christian community. Their task extends by right also to the formation of the genuine Christian community.”(PCP II #’s 510, 518)

Malaman ang mga pangungusap na ito at may tinutumbok na mga tanong para sa akin bilang inyong obispo kasama ang ating mga paring naglilingkod sa inyo: Paano namin mapapalalim ang pagkikipagka-isa sa pamayanan bilang inordenahang lingkod ninyo? Paano kami mas epektibong magiging instrument ng pagbubuo at pagkakaisa ng pamayanan sa parokya? Paano namin lalong paiigtingin ang paghuhubog ng pamayanan para tunay na masalamin si Kristo at maging Katawan ni Kristong tanglaw sa mundo?

Isang salita ang naisip kong tugon na hamon para sa akin bilang inyong obispo at sa kaparian: PRESENSYA.

Minsan nagbigay ng talk si Cardinal Orlando Quevedo, O.M.I. sa grupo ng mga pari. At sinimulan niya ito sa tanong. Sabi niya: “Alam ba ninyo ang ibig sabihin ng tatlong letra sa dulo ng aking pangalan (O.M.I)?” May agad sumagot at sabi: “Oblates of Mary Immaculate!”Mukhang tama naman at yun naman talaga. Pero pabiro niyang sinabi: “May isa pang ibig sabihin: Out More than In.” Napatawa ang mga pari dahil patama sa kanilang lahat. Patama din po ito sa aming lahat ito, di ba?

Kung nais mabuo ang pamayanan, dapat makita at maramdaman ang presensya ng pari. Maraming pagkakataon na hinahanap ng pamayanan ang pari bilang pastol na bumababad at nakikisalamuha sa kanyang mga tupa sa kawan. Mahirap gawin ito sa panahon ngayon kung iispin natin ang dami ng trabaho ng pari sa kanyang parokya at pati na rin ang limitasyon ng kanyang pangangatawan. Mahirap ang magbahay-bahay para dumalaw sa ating mga parokyano, ang bisistahin ang ilang maysakit sa ating pamayanan at magsipag upang pagsumikapang buuin ang Basic Ecclesial Communities (BEC) sa ating parokya.

Ngunit may mga pagkakataon na kaya naman natin pero mas nagiging matimbang ang sumuko sa ganitong gawain at makontento na lang sa pagmimisa sa loob ng simbahan at ipagdiwang ang iba pang sakramento dahil mas kombiniente para sa atin. Tandaan natin na parati tayong nangangako na tatalikod sa sariling kaluwagan para ihatid ang kapayapaaan at pag-ibig ni Kristo sa ating kapwa. Subalit, mas mukhang matimbang na mas dumadami ang pagkakataon na iniisip natin ang sariling kaluwagan imbis na magsakripisyo para kay Kristo at sambayanan ng Diyos.

Magandang balikan ang rito ng pagtatalaga ng isang bagong kura paroko para lalo nating maunawaan ang hamon ng presensya ng pari sa kanyang pamayanan. Ito ang sinasabi ng obispo sa pari: “Ipinagkakatiwala ko sa iyo ang susi ng Tabernakulo ng Simbahang ito. Ang tabernakulo ay sumasagisag ng pinakatanging kayamanan ng ating Simbahan, si Kristong ating Panginoon. Siya ang nag-utos sa atin na pangalagaan ang kanyang mistikong Katawan, ang Simbahan.Kaakibat nito, pangalagaan mo din ang lahat ng iyong nasasakupan; gabayan mo sila sa kanilang paglalakbay patungo sa Ama; ingatan at subaybayan mo ang mga mahihirap, ang mga ulila sa magulang; ang mga nahihirapan sapagkat mahigpit na ipinagbilin ng ating Panginoon ang mga ito sa atin. Nawa’y mahalin mo sila tulad ng pagmamahal ng Diyos at sa iyong sarili.”

Sa mga pananalitang ito, maliwanag na ipinagkatiwala sa kura paroko si Hesus na nasa tabenakulo. Ang buhay na presensya ni Hesus sa tabernakulo ang magsisilbing lakas niya sa araw-araw niyang panalangin at pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya para makapaglingkod ng lubos sa pamayanan. At ang pangangalaga niya sa Eukaristiya ay dapat dumadaloy sa pangangalaga niya sa mga miyembro ng pamayanan, lalu na ang mga dukha, mga hikahos, at mga dumadaan sa matitinding pagsubok sa buhay. Ang ilaw na tumatanglaw sa tabernakulo ay magsilbing paalala ng init nang ating paglilingkod sa ating mga parokyano at liwanag sa mga nasa dilim ng kasalanan. Ang presensya ni Hesus ay dapat maranasan sa presensya ng pari na ipinadadama sa kanyang pagpipiling sa kawan ang Awa ng Diyos, ang walang kondisyong pag-ibig ng Diyos.

Nais kong magtapos sa isang personal na karanasan. Nung ako po’y naordenahang pari, ang una kong assignment ay assistant parish priest o katulong na kura paroko sa isang parokya. Pagkatapos ng isang taon, binigyan ako ng bagong assignment at dinalasa seminaryo para maging formator o tagahubog ng mga seminarista. Minsan isang buwan ay may nagaganap kaming recollection kung saan ginagabayan ang mga seminarista sa espritwal na pagninilay at panalangin. Naalala ko nun na ang ginawang uri ng panalangin ay isang overnight vigil at bawat seminarista at pari ng seminaryo ay maglalaan ng isang oras ng panalangin sa harap ng Santisimo Sakramento sa loob ng aming chapel. Pumirma ako sa isang time slot at tahimik na nagdasal sa loob ng chapel kasama ang ilang seminarista na nakatokang magdasal sa oras na iyon. Nung mga unang sandali ng aking panalangin, di ako mapakali at maraming iniisip. Wala sa loob ko ang magdasal kaya parang sinabi ko kay Lord: “Panginoon, wala namang nangyayari sa panalangin ko. Maiigi pa sigurong pumunta na lang ako sa kwarto at may gawin doon kaysa magsayang ng oras dito.” Nasabi ko ito dala din ng pagkainip at kagustuhang maglibang na lang. Paalis na ako ng chapel ng biglang may sumagi sa isip ko habang nakatingin ako sa Santisimo Sakramento. Para bagang may sinabi ang Panginoon sa akin ng ganito: “You cannot be present to the people you minister to unless you are first present to me.” Parang sinabi ng Panginoon sa akin na di ko maipaparamdam ang presenya ko sa mga taong pinaglilingkuran ko kung hindi ako bumabad sa Banal na Presenya ni Hesus sa panalangin.

Nung oras na iyon, buong pakumbabang namulatan ko ang malalim na ugnayan ni Hesus sa Santisimo Sakramento at ang Katawang Mistiko ni Kristo, ang Sambayanan ng Diyos na pinaglilingkuran ko. Napagnilayan ko na kaya pala nung nasa seminaryo ako eh out more than in ako. Mas madalas na kumukuha ako ng appointment sa labas ng seminaryo at di na nararamdaman ng mga seminarista ang presensya ko bilang kanilang tagahubog. Nun ko lang naunawaan na ang presensya ni Hesus na kapiling ko sa aking buhay-panalangin ang magbibigay ng motibasyon at lakas sa akin upang matiyagang ipakita at iparamdam ang presensya Niya sa pamayanang pinaglilinguran ko. Bagamat mahirap at malaking sakripisyo sa akin, naging maliwanag na ito ang magiging daan para maging instrumento ako ng pagbubuklod ng kahit anong pamayanan.

Ngunit mga kapatid kay Kristo, ang presensya na ating pinagninilayan ay hindi lamang sa aming mga pari at sa parokya. Ito rin ay para sa bawat isa sa inyo na naririto. Kumusta na ang presensya ninyo mga ama at ina sa inyong mga anak at ganun din ang mga anak sa kanilang mga magulang. Alam ko na karamihan na naririto ay mga lingkod layko sa parokya. Ang paglilingkod sa parokya ay hindi scapegoat o takbuhan kapag may problema sa tahanan. Mas masarap maglingkod sa parokya kung maayos ang pamilya.

Sa bandang huli ng ebanghelyo ngayon, sinabi ni Hesus sa mga nakakita at nakinig sa kanya sa sinagoga: “Natupad ngayon ang bahaging ito ng kasulatan samantalang nakikinig kayo.” (Lucas 4:21) Di lamang narinig ang Salita ng Diyos, naramdaman ng mga tao ang presenya ng Diyos sa katauhan ni Hesus.

Mga minamahal kong pari, nawa’y matularan natin si Hesus at pagsumikapan nating ipakita at iparamdam ang presensya ni Hesus sa ating mga parokya.

Minamahal kong Sambayanan ng Diyos, ipanalangin ninyo ako at lahat ng pari upang kami’y maging buhay na presensya ni Hesus sa inyo na ipinadadama ang walang hanggang pag-ibig ng Poong Maykapal at umasa kayo sa aming panalangin para sa inyong pamilya at mga mahal sa buhay. Amen.

7429 Total Views 1 Views Today