Misa ng Krisma, Kapistahan ni San Juan Maria Vianney, ika- 4 ng Agosto 2020, Katedral ng Pasig
Lubhang Kagalang-galang Mylo Hubert C. Vergara, D.D., M.A., S.Th.D.
Obispo ng Pasig

Natatangi ang Misa ng Krisma ngayong taong ito. Sa kasaysayan ng Diyosesis ng Pasig, ngayon lang nangyari na ito’y naipagdiwang sa labas ng Semana Santa dahil sa kasagsagan ng pandemyang dulot ng Covid-19. Ang epekto ng pandemya ay dama ng buong daigdig.  Walang pinipiling bansa, lahi o relihiyon.  Kaya nga sa pagdiriwang ng Year of Ecumenism, Inter-religious Dialogue and Indigenous Peoples, nagkakaisa at sama-sama ang iba’t ibang relihiyon na nananalaging matapos na sana ang pandemyang ito at makabalik ang buong mundo sa normal na pamumuhay.

Naimungkahi na posibleng gawin ang Misang ito sa ibang araw na malapit pa rin sa Panahon ng Pasko ng Pagkabuhay depende sa mga sirkumstansyang hinaharap nating dala ng pandemya.  Ngunit, napagdesisyunan kong gawin ngayong araw na ito ang Misa ng Krisma, sa kapistahan ni San Juan Maria Vianney, patron ng mga pari at relihiyoso.  Ito na rin ang misa natin ng pasasalamat sa paglilingkod ng lahat ng pari at relihiyoso sa ating diyosesis.

Kung babalikan natin ang naganap sa buhay ni San Juan Maria Vianney, alam nating dumaan siya sa marami at matitinding pagsubok.  Muntik na siyang hindi maging pari dahil nahirapan siya sa pag-aaral dahil medyo matanda na siya noong pumasok sa seminaryo kung ikukumpara sa mga batang kasama niya.  

Bilang kura paroko naman sa lugar ng Ars sa Pransya, nahirapan siyang pastulan ang mga parokyanong walang pakialam sa Simbahan at laikong lingkod na may katigasan ng ulo.

Ang demonyo naman ay walang sawang siya’y tuksuhin at takutin.  

At isama pa sa malalaki niyang krus ay ang kanyang kalusugan.  Ilang beses din siyang tinamaan ng sakit at panghihina ng katawan sa gitna ng paglilingkod niya sa parokya.  

Katulad ni San Juan Maria Vianney, tayong mga pari ay nahaharap sa maraming pagsubok. Maaari nating ituring ang pandemyang ito na pinakamabigat sa buhay natin bilang pari at sa buong Simbahan.

Maraming obispo, pari, madre at mananampalataya ang pumanaw sa buong mundo dahil sa Covid-19.

May ilan sa ating mga parish staff at volunteer servants ang tinamaan ng virus. Sa ating mga parokya, kilala natin yung ilang parishioners na infected o kaya’y namatay dahil sa Covid-19. Nitong mga nakaraang buwan, marami ang mga labi ng abo na nabendisyunan na dinaan lamang sa harap ng Simbahan. At nung pinayagang buksan ang simbahan, kaunti pa rin ang puwedeng pumasok at marahil dahil sa takot ay hindi rin ganuon karami ang nagsisismba. Ngayong araw na ito ay Modified Enhanced Quarantine (MECQ) na naman tayo. Pinagbabawal muli ang pagbubukas ng simbahan.

Sa ilang buwan na walang misa sa loob ng Simbahan, wala din po tayong regular parish income. Ginagawan na lang natin ng paraan na mabigyan ng financial assistance ang ating mga parish personnel na hikahos din sa buhay. Nanganganib din ang enrollment level sa ating mga parochial schools na nakatakdang magbukas sa buwang ito. Bagamat naghahanda tayo para sa alternative learning mode, alam nating dahil sa dagok sa ekonomiya dulot ng krisis na ito, at pangamba ng mga magulang, lahat ng ating parochial schools ay magkakaaroon ng financial deficit sa school year na ito.  Hindi man natin gusto, ay maaaring mag lay-off tayo ng ilang empleyado ng paaralan.

Pinakamatinding tinamaan ng pandemyang ito ay ang mga dukha sa ating mga parokya—silang mga nasa laylayan na halos wala nang ikinabubuhay; mga isang kahig isang tuka, na ngayon ay parang wala ng inaasahan para makaahon, kahit pantawid-gutom man lang.  

Ang pinakamabigat pa sa lahat, kahit mayroon tayong gustong gawin para tumulong at maging mabuting pastol sa ating mga tupa, ay parang wala tayong magawa dahil sa maraming sirkumstansya ng pandemya—ilang pari na rin sa atin ang senior citizen at immuno-compromised, at hindi natin magawa ang nakagawiang pagdiriwang ng mga sakramento at paglilingkod na makasalamuha ang ating mga parokyano.

Naikuwento ko ang mga pagsubok na naranasan ni San Juan Maria Vianney. Kahit maraming hamon sa mga pagsubok, hindi siya pinanghinaan ng loob, pinanghawakan niya ang kanyang pananalig sa Diyos at debosyon sa Mahal na Birheng Maria.  Bagamat halos pasang awa lang siya sa kanyang kurso sa seminaryo, lalo na sa Latin subjects, na tinuring niyang pinakamahirap pag-aralan, siya’y naordenahang pari at naging kura paroko sa isang parokyang walang gustong pumunta upang maglingkod.

Sa mga unang buwan ng kanyang pamamastol sa pamayanan, kahit may mga kumalaban sa kanya at gusto siyang itakwil, hindi siya nagpatinag. Buong kababaang loob pa rin siyang naglingkod sa kanila hanggang ang mga tumutuligsa sa kanya ay mga nagbagong loob. Kahit mahina ang kanyang katawan at masakitin, masipag pa rin siyang nagmisa sa Simbahan, nagbigay ng katesismo sa mga bata at matiyagang nakinig sa kumpisal ng halos labing-anim na oras ang inabot ng mga nais magbalik loob sa Diyos.

Nilabanan niya ang pambubulabog ng diyablo sa pamamagitan ng panalangin lalo na harap ng Santisimo Sakrameto. Naging bukas-palad siya sa mga dukhang humihingi ng tulong. Minsan nga, habang nagbibigay siya ng homiliya sa isang misa, nakita niya ang isang pobreng pilay na nakasaklay, nasa may pintuan ng simbahan at walang maupuan; itinigil niya ang kanyang sermon at inakay ang pilay sa kanyang mismong upuan sa may altar para doon umupo. At kahit mahirap itatag, naisakatuparan niya ang pagtatayo ng La Providence, isang paaralan para sa mga dukhang batang babae na ulila na sa magulang. Doon siya’y nagturo ng katesismo upang, sa murang edad pa lamang, ay makilala ng mga bata ang Diyos, maunawaan ang mga aral ng Salita ng Diyos at ng Simbahan. Tunay ngang dumaan si San Juan Maria Vianney sa maraming pagsubok subalit hindi tumigil sa kanyang pamamastol.  Naglingkod pa rin siya na ang tanging pinanghahawakan ay pananampalataya, pag-asa at pag-ibig sa Diyos.

Mga minamahal kong pari ng diyosesis ng Pasig, ako’y buong pakumbabang nagpupuri at nagpapasalamat sa Diyos dahil, para kong nakita ang kabanalan at kabutihan ni San Juan Maria Vianney sa inyo.  Simula pa noong kalagitnaan ng Marso at magpahanggang ngayon, nasaksihan ko kung paano ninyo pinanghawakan ang inyong pananampalataya, pag-asa at pag-ibig sa Diyos upang kayo’y makapaglingkod sa ating mga diocesan offices at ministries, mga parokya, Basic Ecclesial Communities (BECs), parochial schools, hospitals at iba pa.  Tuloy-tuloy pa rin ang inyong pagmimisa, bibliarasal, catechetical modules, at evangelization sessions (shout out) kahit ito’y online. Kahit delikado, nagpapakumpisal pa rin ang ilan sa inyo, nakikinig sa hinaing ng ating mga parokyano at nagbibigay ng payo. Hindi tumigil ang inyong pagbibigay ng relief goods at kahit anong tulong sa mga dukha na nasa laylayan ng inyong parokya. Yung ilan sa inyo ay nagbabahay bahay pa, dumadalaw at nagpapahid ng langis sa maysakit, at nabibigay pa rin ng banal na komunyon sa mga hindi makapunta sa simbahan.

Nang mag-General Community Quarantine (GCQ), inihanda ninyo ang ating mga parokya para makapasok, makadulog at muling makapagdiwang ang ilan nating mga parokyano ng Banal na Eukaristiya.

Bilang Ama ng ating diyosesis, ipinagmamalaki ko kayo at mahal ko kayo dahil sa inyong paglilingkod bilang paring hinirang ng Diyos.  Kitang-kita ko sa inyo si Hesus na puspos ng Espiritu ng Panginoon na ipinalaganap sa mga dukha ang Kanyang Mabuting Balita ng pag-asa. Ipinahayag ninyo sa mga nabihag at nabulag ng takot at pangamba ang paghihilom na ipagkakaloob ng Diyos. Ipinaramdam at ipinahayag sa kanila na kailanman ay hindi tayo pababayan at ililigtas tayo ng Diyos na walang hanggan ang pagmamahal sa atin. Salamat sa inyong paglilingkod bilang paring pinili ng Diyos na tagahatid ng kanyang pag-ibig, pag-asa at kapayapaan.

Nawa‘y ang mga bagong Langis na Krisma at Langis para sa mga Maysakit na ating pababanalin sa kapangyarihan ng Espiritu Santo at ang pagsariwa ninyo sa mga pangako sa pagpapari ay magbigay ng bagong sigla na maglingkod sa Diyos at sambayanan sa gitna ng pandemya na ating nararanasan. Amen.

9426 Total Views 77 Views Today
Spread the love